Noong 2016, nag-text si Wanda Dench sa kanyang apo ng paanyaya para sa hapunan sa pagdiriwang ng Thanksgiving. Pero iba na pala ang numero ng apo niya. Napunta tuloy ang mensahe sa isang estranghero, si Jamal. Sinagot ni Jamal ang text, nagpakilala, at nagtanong kung puwede pa rin siyang pumunta. “Siyempre naman,” tugon ni Wanda. Pumunta nga si Jamal at naging simula iyon ng taunang tradisyon nila. Naging taunang biyaya ang maling paanyaya.
Naalala ko sa pag-imbita ni Wanda sa estrangherong si Jamal ang sinabi ni Jesus. Nasa isang salu-salo noon si Jesus sa bahay ng isang kilalang Pariseo (LUCAS 14:1). Napansin Niya kung sino ang mga inimbita at kung paano sila nag-aagawan para sa magandang puwesto (TAL. 7). Sinabi ni Jesus sa Pariseo na nakakalimita ng pagpapala kung iyong mga may magagawa lang para sa kanya ang aanyayahan niya (TAL. 12). Mas malaki ang pagpapala kung mga taong walang kakayahang suklian ang paanyaya ang iimbitahan sa piging (TAL. 14).
Nagbunga ng wagas na pagkakaibigan ang pag-anyaya ni Wanda kay Jamal sa hapunan ng kanyang pamilya. Malaking biyaya ito lalo na noong naging balo si Wanda. Kapag naging mabuti tayo sa iba—hindi ayon sa maisusukli nila kundi dahil sa pag-ibig ng Dios na nasa atin—mas higit ang pagpapalang matatanggap natin.
