Para kay Catherine of Sienna, tulad ng salubsob ang mga pasakit sa buhay. “May tinik na pumasok sa paa mo kaya ka umiiyak sa gabi.” Dagdag niya, “Pero may ilan na kayang bumunot ng tinik. Sa Dios sila natuto.” Isa si Catherine sa natuto ng ganoong kakayahan. Hanggang ngayon, kinikilala siya dahil sa habag at pagdamay niya sa mga dumaranas ng paghihirap.

Naisip ko, kailangan ng magaang kamay at kakaibang kakayahan para mabunot ang tinik ng iba. Paalala ito na sugatan ang bawat tao, at kailangan nating humugot nang malalim upang magkaroon ng tunay na habag para sa iba at sa sarili rin.

Tulad din ito sa sinabi ni Apostol Pablo sa Roma 12. Higit sa magandang hangarin ang kailangan para mahalin ang kapwa tulad ng pagmamahal ni Jesus. Kailangan nating maging tapat sa bawat isa (TAL. 10), magalak sa pag-asa, magtiyaga kahit may pighati, at manalangin palagi (TAL. 12). “Makitangis sa mga tumatangis” at hindi lang “magalak sa mga nagagalak” (TAL. 15).

Nasusugatan ang lahat ng nabubuhay sa mundo. Malalim ang kirot at peklat ng bawat isa. Ngunit mas malalim ang pagmamahal na matatagpuan natin kay Cristo. Ang pag-ibig Niya ang makatatanggal ng nakatusok na tinik. Gamit ang balsamo ng habag na handang yakapin kaibigan man o kaaway (TAL. 14), maghihilom tayong lahat.