Kakaiba ang whispering wall sa Grand Central Station sa lungsod ng New York. Kapag tumayo ka sa paanan ng arko at bumulong sa pader, maglalakbay ang tunog pataas, papunta sa kabilang panig ng arko. Kahit bumulong ka lang, maririnig ka ng kausap mo sa layo na tatlumpung talampakan. Isa itong kanlungan sa gitna ng maingay at magulong lugar.
Tila bulong rin ang mensaheng narinig ni Job noong napuno ang buhay niya ng ingay at trahedya; halos mawala kasi sa kanya ang lahat (JOB 1:13-19; 2:7). Iba iba ang mga pananaw ng mga kaibigan niya. Hindi rin matahimik ang sarili niyang pag-iisip sa samu’t saring trahedyang gumulo sa buong buhay niya. Ngunit sa gitna ng mga ito, marahang nangusap sa kanya ang kadakilaan ng kalikasan at ipinakita sa kanya ang kapangyarihan ng Dios.
Ang kagandahan ng langit, hiwaga ng mundong nakalutang sa kalawakan—ilan lamang iyan sa nagpaalala kay Job na hawak ng Dios ang mundo sa palad Niya (26:7-11). Kahit ang daluyong ng dagat ay nagtulak kay Job upang ibulalas na, “maliit na bahagi lang ito ng kanyang kapangyarihan, na hindi pa rin natin lubos na maunawaan” (TAL. 14).
Kung maliit na bahagi lang ng kapangyarihan ng Dios ang kamangha-mangha Niyang nilikha, may pag-asa tayo. Kayang gawin ng Dios ang kahit anong bagay, tulad ng ginawa Niya para kay Job sa panahon ng paghihirap.
