Noong bata pa ako, nangongolekta ako ng mga selyo. Nang malaman ni Angkong (Fukienese para sa “lolo”) ang tungkol sa aking libangan, nagsimula siyang magtabi ng mga selyo mula sa mga sulat sa kanyang opisina araw-araw. Tuwing bumibisita ako sa kanila, binibigyan ako ni Angkong ng sobreng puno ng iba’t ibang magagandang selyo. “Kahit palagi akong abala,” minsan niyang sinabi, “hindi kita nakalilimutan.”
Hindi palasabi si Angkong ng pagmamahal, pero dama ko ito nang lubusan. Sa mas malalim at walang hangganang paraan, ipinakita naman ng Dios ang Kanyang pag-ibig sa Israel nang sinabi Niya, “Hindi [Ako] makalilimot sa inyo!” (ISAIAS 49:15). Nagdurusa sila noon dahil sa kanilang pagsuway at pagsamba sa ibang dios, at nagreklamo sila, “Pinabayaan na kami ng Panginoon; nakalimutan na niya kami” (TAL. 14). Pero hindi nagbago ang pag-ibig ng Dios sa kanila. Nangako Siya ng kapatawaran at pagpapanumbalik (TAL. 8–13).
“Isinulat ko ang pangalan mo sa aking mga palad,” sinabi ng Dios sa Israel (TAL. 16). Ito rin ang sinasabi Niya sa atin ngayon. Habang binubulay ko ito, naalala ko ang mga sugatang kamay ni Jesus na ipinako sa krus, na inialay Niya nang buong pagmamahal para sa ating kaligtasan (JUAN 20:24–27). Inilalahad sa atin ng Dios ang Kanyang mapagpatawad na kamay bilang simbolo ng Kanyang walang hanggang pag-ibig. Pasalamatan natin Siya sa Kanyang pag-ibig na hindi nagbabago. At magtiwala tayong hindi Niya tayo kalilimutan kailanman.
