Habang nasa isang water park kasama ang ilang kaibigan, sinubukan naming maglaro sa mga rampa at tulay na gawa sa inflatable balloons na nakalutang sa tubig. Halos imposibleng maglakad nang tuwid. Napapasigaw kami kapag nahuhulog kami sa tubig. Sobrang nakakapagod ang aming ginawa. Kaya naman sumandal sa isang poste na gawa sa lobo ang kaibigan ko para makapagpahinga. Kaya lang natumba ito at nalaglag siya sa tubig.

Hindi tulad ng mga mahihinang poste sa water park ang mga poste at tore sa panahon ng Biblia. Matitibay itong kuta para sa depensa at proteksyon. Inilarawan sa Hukom 9:50–51 kung paano tumakas ang mga taga Tebez patungo sa isang “matatag na tore” upang magtago mula sa pag-atake ni Abimelec sa kanilang lungsod. Sa Kawikaan 18:10 naman, ginamit ng manunulat ang matibay na tore upang ilarawan kung sino ang Dios—ang Siyang tanging nagliligtas sa mga nagtitiwala sa Kanya.

Ngunit minsan, sa halip na umasa tayo sa matibay na tore ng Dios kapag napapagod o nalulumbay, sumasandal tayo sa ibang bagay para sa seguridad at suporta—trabaho, relasyon, o pisikal na ginhawa. Wala tayong pinagkaiba sa mayamang taong umasa sa kanyang yaman para sa lakas (TAL. 11). Ngunit hindi maibibigay ng mga bagay na tulad nito ang ating tunay na pangangailangan. Tanging ang Dios, na makapangyarihan at may kontrol sa lahat ng sitwasyon, ang makapagbibigay sa atin ng proteksiyon at kaginhawaan.