Mahigit tatlumpung taon nang nagtuturo si Lourdes ng pagkanta sa Maynila. Pero nang hilingan siyang magsagawa ng mga voice lessons niya online, nabahala siya. “Hindi ako magaling sa mga computer,” ikinuwento niya. “Luma na ang laptop ko, at hindi ako pamilyar sa mga platform ng video conferencing.”
Bagama’t maaaring tila maliit na bagay ito para sa iba, talagang nagdulot ito sa kanya ng stress. “Nag-iisa ako, kaya walang puwedeng tumulong sa akin,” sabi niya. “Paano kung mawalan ako ng mga estudyante? Kailangan kong kumita.”
Pinaaalalahanan naman tayo ni Apostol Pablo na huwag mag-alala sa anumang bagay, dahil “ang Panginoon ay malapit” (FILIPOS 4:5 ᴀʙᴀʙ). Panghawakan natin ang pangako ng Dios na naririyan Siya para sa atin. Lumapit tayo sa Kanya sa panalangin at ipagkatiwala ang lahat sa Kanya, maliit man ito o malaki. At ang Kanyang kapayapaan ang “mag-iingat ng [ating] mga puso at mga pag-iisip” (TAL. 7).
“Sa tulong ng Dios, natuklasan ko ang mga website tungkol sa pag-aayos ng mga problema sa computer,” sabi ni Lourdes. “Binigyan din Niya ako ng mga estudyanteng matiisin at nauunawaan ang aking mga limitasyon sa teknolohiya.” Matatamasa natin ang presensya, tulong, at kapayapaan ng Dios. Magtiwala lamang tayo sa Kanya. Maaari tayong magsabi nang may kumpiyansa: “Magalak kayong lagi sa Panginoon; muli kong sasabihin, Magalak kayo” (TAL. 4).
