Simula 1961, pinaghiwalay ng Berlin Wall ang mga magkakapamilya at magkakaibigan. Itinayo ito ng pamahalaan ng East Germany upang mapigilan ang kanilang mga mamamayang tumakas papuntang West Germany. Simula 1949 hanggang sa maitayo ito, tinatayang may higit 2.5 milyong taga-East Germany ang lumipat sa West. Noong 1987, tumayo si Pangulong Ronald Reagan ng USA sa pader na ito at sinabi, “Gibain ang pader na ito.” Nagdulot ng malaking pagbabago ang mga salita niya, na humantong sa paggiba ng pader noong 1989. Nagdulot ito sa Germany ng masayang pagsasama-samang muli.
Sa Efeso 2:14, isinulat ni Pablo ang tungkol sa “pader ng alitan” na giniba ni Jesus. Umiral ang pader na ito sa pagitan ng mga Judio (piniling lahi ng Dios) at mga Hentil (mga hindi Judio). Sagisag nito ang soreg, ang naghahating pader sa matandang templo na itinayo ni Herod the Great sa Jerusalem. Bagama’t natatanaw ng mga Hentil ang loob ng templo, napipigilan sila ng pader upang pumasok sa loob. Pero nagdala si Jesus ng kapayapaan at pagkakasundo sa pagitan ng mga Judio at mga Hentil, at maging sa pagitan ng Dios at lahat ng tao. Ginawa Niya ito sa pamamagitan ng “paggiba ng pader...na naghihiwalay sa atin” sa pamamagitan ng “Kanyang kamatayan sa krus” (TAL. 14, 16). Dahil sa “Magandang Balita ng kapayapaan,” maaari nang mapagkaisa ang lahat sa pananampalataya kay Cristo (TAL. 17-18).
Marami ang naghihiwalay sa atin ngayon. Habang ipinagkakaloob ng Dios ang ating mga kailangan, magsikap tayong ipamuhay ang kapayapaan at pagkakaisang matatagpuan kay Jesus. (TAL. 19-22).
