Nag-alala ang kartero matapos makitang naipon ang mga sulat ng isa sa kanyang mga customer. Alam ng karterong nag-iisa ang matandang babae sa bahay, at karaniwan din, kinukuha niya ang kanyang sulat araw-araw. Sa isang matalinong desisyon, sinabi ng kartero ang kanyang alalahanin sa isa sa mga kapitbahay ng babae. Agad niya itong ipinagbigay-alam sa isa pang kapitbahay, na may hawak na ekstrang susi sa bahay ng babae. Sama-sama silang pumasok sa tahanan ng matanda at natagpuan siyang nakahiga sa sahig. Nahulog siya apat na araw na ang nakalilipas, at hindi siya makabangon o makatawag ng tulong. Dahil sa karunungan, malasakit at desisyong kumilos ng kartero naligtas ang matanda.

Sinasabi sa Kawikaan, ang taong may karunungan ay makakatulong “upang mapahaba ang buhay” ng iba (11:30). Maaaring maging pagpapala, hindi lamang sa ating sarili kundi pati na rin sa mga taong ating nakakasalamuha, ang kakayahang makakita ng tama at mamuhay ayon sa karunungan ng Dios. Ang bunga ng pamumuhay na nagbibigay ng karangalan sa Dios ay maaaring magdala ng mabuti at kaaliwan sa buhay. At nagtutulak din ito sa atin upang pagmalasakitan ang iba at pagtuunan ng pansin ang kanilang kapakanan.

Tulad ng sinasabi ng may-akda ng Kawikaan, natatagpuan ang karunungan sa pagtitiwala sa Dios. Itinuturing rin ang karunungan na “higit na mahalaga...kaysa sa mamahaling hiyas at hindi ito matutumbasan ng mga bagay na hinahangad mo” (8:11). Nariyan ang karunungang ibinibigay ng Dios upang gabayan tayo sa buong buhay natin. Maaaring mailigtas nito ang isang buhay magpakailanman.