Hindi ko siya agad napansin. Pagbaba ko sa hotel para mag- agahan, malinis sa loob ng kainan. Punong-puno ang buffet table. Ganoon din ang refrigerator, pati ang lalagyan ng mga kutsara at tinidor. Perpekto ang lahat.
At saka ko siya nakita. Isang simpleng lalaking nag-aabot ng pagkain at nagpupunas ng mesa. Hindi siya kapansin-pansin. Ngunit habang mas matagal akong nakaupo, lalo akong namangha. Napakabilis niyang kumilos, napapansin niya ang bawat detalye, at inaasikaso ang lahat bago pa man may mangailangan nito. Bilang isang beterano sa food service, napansin ko ang kanyang hindi matatawarang atensyon sa detalye. Maayos ang lahat dahil sa kanyang tapat na paglilingkod, kahit kaunti lang ang nakakapansin.
Habang pinagmamasdan ko siya, naalala ko ang mga sinabi ni Apostol Pablo sa mga taga Tesalonica: “Sikapin ninyong mamuhay nang mapayapa, at huwag kayong makikialam sa buhay ng iba Magtrabaho ang bawat isa para sa ikabubuhay niya... at igagalang kayo ng mga hindi mananampalataya” (1 TESALONICA 4:11-12). Nauunawaan ni Pablo kung paano maaaring makamit ng isang tapat na manggagawa ang respeto ng iba. Sa pamamagitan ng tahimik na patotoo, maipapakita natin ang Magandang Balita kahit sa mga simpleng paglilingkod nang may dignidad at layunin.
Hindi ko alam kung nagtitiwala kay Jesus ang lalaking iyon. Ngunit nagpapasalamat ako sa kanyang kasipagan at pagsusumikap. Nagpaalala ito sa akin upang umasa sa Dios para mamuhay nang may tahimik ngunit matapat na pananampalataya. Mamuhay nawa tayo nang nakikita sa atin ang katapatan ng Dios.
