“Linisin mo ang kuwarto ninyo bago ka matulog,” sabi ko sa isa sa mga anak ko. Agad ang sagot niya, “Bakit hindi siya ang utusan mo?”
Karaniwan na ang ganitong kaunting pagtutol sa aming bahay noong bata pa ang mga anak naming babae. Iisa lagi ang sagot ko: “Huwag mong alalahanin ang mga kapatid mo; ikaw ang inutusan ko.”
Makikita rin natin ang ganitong likas na ugali ng tao sa Juan 21, sa kuwento ng mga alagad. Katatapos lang patawarin at ibalik ni Jesus si Apostol Pedro matapos niyang ikaila nang tatlong beses si Jesus (TINGNAN ANG JUAN 18:15–18, 25–27). Ngayon, sinabi ni Jesus kay Pedro, “Sumunod ka sa Akin!” (21:19). Isang simpleng utos, ngunit mahirap sundin. Ipinaliwanag naman ni Jesus na susunod si Pedro sa Kanya hanggang kamatayan (TAL. 18–19).
Hindi pa halos nauunawaan ni Pedro ang lalim ng mga sinabi ni Jesus. Pero itinanong na niya agad ang tungkol sa alagad na nasa likuran nila: “Paano naman po siya?” (TAL. 21). Sumagot si Jesus, “Kung gusto Ko siyang mabuhay hanggang sa pagbalik Ko, ano naman sa iyo? Sumunod ka lang sa Akin” (TAL. 22). Madalas, katulad tayo ni Pedro. Mas iniisip natin ang antas ng pananampalataya ng iba kaysa sa ginagawa ng Dios sa ating sariling buhay.
Sa huling bahagi ng buhay ni Pedro, nang malapit nang matupad ang kamatayang ipinahayag ni Jesus sa Juan 21, ipinaliwanag niya ang utos ng Panginoon: “Bilang masunuring mga anak ng Dios, huwag kayong padadala sa masasamang hilig ninyo noong hindi pa kayo nakakakilala sa Dios. Banal ang Dios na tumawag sa inyo, kaya dapat magpakabanal din kayo sa lahat ng ginagawa ninyo” (1 PEDRO 1:14–15). Sapat na dahilan na ito upang manatili tayong nakatuon kay Jesus, sa halip na ihambing ang ating sarili sa iba.
