Noong nag-aaral pa ako sa seminaryo ilang taon na ang nakalipas, mayroon kaming lingguhang chapel service. Sa isang pagtitipon, habang umaawit kami ng “Dakila ang Dios,” napansin ko ang tatlo sa aming minamahal na propesor na taimtim ding umaawit. Kitang-kita sa kanilang mga mukha ang kagalakang dulot ng kanilang matibay na pananampalataya sa Dios. Makalipas ang ilang taon, humarap ang bawat isa sa kanila sa malulubhang karamdaman. Ngunit ang pananampalataya nila ang naging lakas nila upang magpatuloy at magpalakas ng iba.
Hanggang ngayon, kapag naaalala ko ang pag-awit ng aking mga guro, napalalakas ang loob ko upang magpatuloy kahit sa gitna ng pagsubok. Para sa akin, ilan lamang sila sa maraming kuwento ng mga taong namuhay sa pananampalataya. Paalala sila sa panawagan ng manunulat sa Hebreo 12:2–3: “Ituon natin ang ating paningin kay Jesus...Tiniis Niya ang paghihirap sa krus at hindi Niya ito ikinahiya, dahil inisip Niya ang kaligayahang naghihintay sa kanya” (TAL. 2).
Kapag nahihirapan tayong magpatuloy dahil sa mga pagsubok, dulot man iyan ng pag-uusig o mga hamon sa buhay, mayroon tayong halimbawa ng mga taong naniwala sa Salita ng Dios at nagtiwala sa Kanyang mga pangako. Maaari rin tayong “magpatuloy sa takbuhing itinakda ng Dios para sa atin” (TAL. 1). Alalahanin natin si Jesus, pati ang mga mananampalatayang nauna sa atin, na nagtiis hanggang wakas. Hinihikayat tayo ng manunulat: “Isipin n’yo ang mga tiniis ni Jesus na paghihirap...para hindi kayo panghinaan ng loob” (TAL. 3).
Nasa piling na ng Dios ang aking mga guro. Marahil ito ang kanilang sinasabi: “Sulit ang buhay na may pananampalataya. Kaya magpatuloy ka lang.”
