Mabilis ang pagtibok ng aking puso habang naghahanda akong sagutin ang mga paratang ng isang matalik na kaibigan. Taliwas sa kanyang inaakala, walang kinalaman sa kanya ang online post ko. Pero bago ako sumagot, pumikit ako at saglit na nanalangin. Doon ako kumalma. Mas naunawaan ko rin ang nais niyang sabihin, maging ang kirot sa likod ng kanyang mga salita. Doon ko nakitang mas malalim ang pinanggagalingan ng kanyang sama ng loob. Nasasaktan siya, at sa halip na ipaglaban ang sarili ko, pinili kong damayan siya sa kanyang sugat.

Sa usapang iyon, mas naintindihan ko ang ibig sabihin ni Santiago sa Biblia: “Dapat maging handa kayo sa pakikinig, dahan- dahan sa pananalita, at huwag agad magagalit” (SANTIAGO 1:19). Kapag marunong tayong makinig, mas mauunawaan natin ang totoong damdamin ng ating kapwa, na madalas, hindi direktang sinasabi. Maiiwasan din natin ang galit na “hindi nakakatulong sa tao para maging matuwid sa paningin ng Dios” (TAL. 20). Hindi lang sa tenga ang pakikinig. Mahalagang marinig din natin ang puso ng kausap natin. Naniniwala akong malaki ang naitulong ng simpleng paghinto ko para manalangin. Naturuan ako nito upang makinig nang may pang-unawa kaysa ipaglaban ang sarili ko. Kung hindi ako nanalangin, baka nasagot ko siya agad.

Bagama’t hindi ko laging nasusunod ang payo ni Santiago, sa araw na iyon, sa tingin ko, nagawa ko ito nang tama. Ang panandaliang panalangin bago pa manaig ang galit ang naging susi para makinig ako nang mabuti at magsalita nang may kahinahunan. Dalangin kong bigyan pa ako ng Dios ng karunungan para mas maisabuhay ko ito araw-araw (KAWIKAAN 19:11).