Panginoong Dios, bakit ito nangyayari? Ito ba talaga ang plano Mo para sa amin? Ito ang paulit-ulit na tanong ko sa aking isipan habang hinaharap ko ang sinabi ng doktor na mayroon akong kanser. Bilang isang asawa at ama ng maliliit kong anak, mahirap ito para sa akin. Lalo na’t kamakailan lang, naglingkod ang aming pamilya sa isang misyon kung saan maraming bata ang nagtiwala sa Panginoong Jesus bilang Tagapagligtas. Ang daming bunga. Ang daming kagalakan. Tapos, biglang ito?
Malamang, napuno rin ng tanong at panalangin si Ester nang kunin siya mula sa isang mapagmahal na tahanan at dalhin sa isang banyagang lugar (ESTER 2:8). Matapos siyang maulila, pinalaki siya na parang sariling anak ng pinsan niyang si Mordecai (TAL. 7). Pero kalaunan, inilagay siya sa lugar ng mga asawa ng hari, at naging reyna pa nga (TAL. 17). Kaya’t hindi nakapagtatakang araw- araw, nangangamba si Mordecai para sa kanya (TAL. 11). Ngunit sa tamang panahon, naunawaan nilang dalawa na inilagay ng Dios si Ester sa posisyong iyon para “sa panahong ito” (4:14). Naging instrumento siya ng Dios para iligtas ang kanyang bayan mula sa kapahamakan (KAB. 7–8).
Malinaw sa kuwento ni Ester na may layunin ang Dios kung bakit Niya dinala sa lugar na iyon si Ester. Ganoon din ang ginawa Niya sa akin. Habang matagal kong nilabanan ang kanser, nabigyan ako ng pagkakataong ibahagi ang pananampalataya ko sa napakaraming mga pasyente, doktor, at nars. Ikaw? Saang kakaibang lugar ka dinala ng Dios? Magtiwala ka sa Kanya. Mabuti ang Dios, at mabuti rin ang Kanyang mga plano (ROMA 11:33–36).
