Habang naghuhukay para sa langis sa isa sa pinakamainit at pinakatuyong mga bansa sa mundo, laking gulat ng mga nagtatrabaho nang madiskubre nila ang isang napakalawak na tagong sistema ng tubig sa ilalim ng lupa. Kaya noong 1983, sinimulan ang proyekto ng pagbuo ng malawak na ilog na gawa ng tao. Naglatag sila ng mga tubo upang maihatid ang malinis na tubig sa mga lungsod na matinding nangangailangan nito. May nakalagay na plake sa lugar kung saan ito sinimulan: “Mula rito dumadaloy ang ugat ng buhay.”

Ginamit naman ni Propeta Isaias ang tubig sa gitna ng ilang upang ilarawan ang darating na matuwid na hari (ISAIAS 32). Kapag namuno ang mga hari at pinuno nang may katarungan at katuwiran, “katulad nila’y ilog na dumadaloy sa disyerto, at lilim ng malaking bato sa mainit at tuyong lupain” (TAL. 2). May mga pinunong ang hangarin ay kumuha sa halip na magbigay. Ngunit kapag nagbibigay luwalhati sa Dios ang isang pinuno, nagbibigay din siya ng kanlungan, pahinga, at proteksyon. Ayon kay Isaias, “ang bunga ng katuwiran ay ang mabuting kalagayan, kapayapaan, at kapanatagan magpakailanman” (TAL. 17).

Ang mga salitang ito ni Isaias na puno ng pag-asa ay ganap na natupad kay Jesus, na Siyang “bababa mula sa langit... At makakasama na natin ang Panginoon magpakailanman” (1 TESALONICA 4:16–17). Gawa lang ng tao ang malawak na ilog sa ating kuwento. Sa paglipas ng panahon, maaaring matuyo ang reserba nitong tubig. Ngunit nagbibigay ang ating matuwid na Hari ng pagpapanibagong lakas at tubig ng buhay na hindi mauubos kailanman.