Ikaanim na anak ng isang Tsinong pastor si John Sung. Noong 1920, nakatanggap siya ng scholarship upang mag-aral sa isang unibersidad sa bansang Amerika. Nagtapos siya nang may pinakamataas na karangalan. Nagtapos din siya ng master’s program, at kinalaunan, nagkamit ng PhD (titulo bilang doktor). Ngunit unti-unti siyang lumayo sa Dios. Hanggang sa isang gabi noong 1927, isinuko niya ang kanyang buhay kay Cristo at naramdaman ang panawagan upang magpahayag ng Salita ng Dios.
Maraming mataas na posisyon at magandang oportunidad ang naghihintay sa kanya sa Tsina. Pero, habang nasa barko pauwi, inudyukan siya ng Banal na Espiritu na talikuran ang kanyang mga ambisyon. Bilang simbolo ng kanyang pagsunod, itinapon niya sa dagat ang lahat ng kanyang mga parangal, maliban sa kanyang sertipiko bilang doktor, na iniuwi niya para sa kanyang mga magulang.
Naunawaan ni John ang sinabi ni Jesus tungkol sa pagiging alagad Niya: “Ano ba ang mapapala ng isang tao kung mapasakanya man ang lahat ng bagay sa mundo, pero mapapahamak naman ang kaluluwa niya?” (MARCOS 8:36). Kasama sa ating pagsunod kay Cristo ang pagtalikod sa sarili at dating pamumuhay (TAL. 34–35). Maaaring kasama nito ang pagwaksi ng sariling layunin at kayamanan, na umaagaw ng ating atensyon upang tunay na sumunod sa Dios.
Sa loob ng labindalawang taon, buong pusong tinupad ni John ang misyon mula sa Dios. Ipinangaral niya ang Magandang Balita sa libu-libong tao sa Tsina at Timog-silangang Asya. Paano naman tayo? Hindi man tayo tinawag upang maging mangangaral o misyonero, saan man tayo tawagin ng Dios upang maglingkod, nawa’y lubos tayong magpasakop sa Kanya at sa pagkilos ng Banal na Espiritu sa ating buhay.
