Matapos ang kanilang laro, nagpaiwan ang isang sikat na manlalaro sa college basketball upang tumulong sa pagliligpit at pagtatapon ng mga nagkalat na basura. Isang tagahanga ang nag-post ng video ng basketbolista, at napanuod ito ng higit 80,000 katao. Mayroong nagkomento, “Isa siya sa pinakamapag- pakumbabang taong makikilala mo.” Mas madali sana kung sumama na lang siya sa kanyang koponan upang lasapin ang bunga ng kanilang tagumpay. Ngunit sa halip, nagpaiwan at tumulong siyang magligpit ng mga basura, na ayaw gawin ng karamihan.
Kamangha-mangha man ang halimbawa ng kabataan, pinakadakila pa rin ang kababaang-loob ni Jesus. Ibinaba Niya nang lubusan ang Kanyang sarili, namuhay dito sa lupa, at nag- anyong alipin (FILIPOS 2:7). Maaari naman sana Siyang tumanggi, ngunit buong kusa Siyang nagpakumbaba. Naglingkod Siya sa mga tao sa pamamagitan ng pangangaral at pagpapagaling. Ipinakita rin Niya ang pagmamahal sa lahat noong namatay Siya sa krus at nabuhay muli para iligtas ang sangkatauhan.
Magandang halimbawa ng kababaang-loob ang kusang paglilinis at pagliligpit sa bahay. Ngunit higit sa ating gawa, mas mainam kung kakikitaan tayo ng kapakumbabaan sa pakikitungo natin sa ating kapwa. Panloob na katangian ang kapakumbabaan. Kaya kung totoo tayong mapagkumbaba, nababago hindi lang ang ating mga gawi, kundi maging ang ating ugali. Nagagawa nating “ituring na mas mabuti ang iba kaysa sa [atin]” (TAL. 3).
Ayon sa manunulat at mangangaral na si Andrew Murray, “Magandang bunga ng kabanalan ang pagpapakumbaba.” Nawa sa pagkilos ng Banal na Espiritu sa ating buhay, makita rin ang kababaang-loob ni Cristo (TAL. 2-5).
