Matapos malamang may tumor siya sa utak, napansin ni Christina Costa na tuwing mapag-uusapan ang kanyang sakit, madalas nakasentro ito sa pakikipaglaban. Nakakapanghina at nakakapagod ito para sa kanya. Kaya naman naisip niyang hindi niya dapat ituon ang sarili sa pakikipaglaban lamang sa sakit. Sa halip na makibaka, mas nakapagpalakas sa kanya ang pagpapasalamat. Nagpasalamat siya para sa mga doktor niya, at sa nadarama niyang kagalingan ng katawan. Naranasan niya mismo na kahit sobrang hirap ang pakikipagbaka sa sakit, nagbibigay lakas ang pagpapasalamat upang maging matatag siya at malabanan ang matinding kalungkutan.

Paalala sa atin ang karanasan ni Costa. Hindi lang natin katungkulan ang pagpapasalamat. Bukod sa nararapat tayong magpasalamat sa Dios, maganda rin naman ang dulot nito sa atin. Sa tuwing tayo’y magpupuri at magsasabing, “Pupurihin ko ang Panginoon, at hindi kalilimutan ang Kanyang kabutihan” (SALMO 103:2), maaalala natin ang mga kamangha-manghang ginagawa ng Dios sa ating buhay. Nariyan ang katiyakan ng kapatawaran, kagalingan ng mga karamdaman, pagpapala ng Kanyang “pag-ibig at habag,” at marami pang di mabilang na mga “mabubuting bagay” (TAL.3-5).

Mainam na pasalamatan natin ang Dios sa araw-araw nating pamumuhay. Maaring hindi tayo makasumpong ng kumpletong kagalingan dito sa mundong ibabaw. Ngunit lagi tayong may dahilan upang magpasalamat sapagkat “ang pag-ibig ng Panginoon ay walang hanggan” (TAL. 17).