Malaswa ang pananamit ng isang bisita sa simbahan. Isa siyang babaeng nagbebenta ng aliw, at inimbitahan siya ni Maggie upang dumalo. Kahit wala namang pumapansin sa kasuotan niya, maya’t-maya’y hinihila niya pababa ang napakaikli niyang palda o ‘di kaya’y humahalukipkip upang matakpan ang sarili. Hindi siya mapakali sa kanyang upuan.

“Giniginaw ka? Gamitin mo itong balabal ko,” alok ni Maggie, para mawala ang pansin sa suot niya.

Maraming tao na ang nailapit ni Maggie kay Jesus. Iniimbitahan niya sila sa simbahan at tinutulungang mapalagay ang loob at maging kumportable. Kaya, nahihikayat sila sa Magandang Balita dahil sa kagandahang ugali ni Maggie. Tinatrato niya kasi ang lahat nang may “dangal” o respeto at paggalang.

Baliktad naman ang asal ng mga pinuno ng simbahan sa babaeng nangalunya sa Aklat ni Juan. Kinaladkad nila ang babae sa harap ni Cristo. Ngunit sila ang pinagbalingan ni Jesus hanggang isa-isa silang umalis. Nang lumisan na ang lahat, walang husgang nagtanong si Jesus: “Babae, nasaan na sila? May humatol ba sa iyo?” (JUAN 8:10). “Wala po,” sagot niya. “Hindi rin kita hahatulan. Maaari ka nang umalis, pero huwag ka na muling magkasala,” (TAL. 11) ang sabi naman ni Jesus. Sa maikling tugon na iyon, naipakita ni Jesus sa babae ang pagmamahal, pagpapatawad, at panghihikayat na magsisi ng mga kasalanan.

Nakita natin ang kapangyarihan ng tunay na pagmamahal. Iyong pagmamahal na hindi nanghuhusga, at may paggalang at respeto sa lahat ng uri ng tao.