Nag-aral ng sining at naging guro si Judson Van DeVenter. Ngunit iba ang plano ng Dios para sa kanya. Hinimok siya ng mga kaibigan niya upang magbahagi ng Magandang Balita ng kaligtasan. Dama ni Judson na iyon din ang nais ng Dios para sa kanya, ngunit mahirap para sa kanyang talikdan ang pagtuturo ng sining. Nakipagbuno siya sa Dios hinggil dito, hanggang sa wakas, isinulat niya, “Ito na ang oras na magbabago ng buhay ko. Isinuko ko na ang lahat sa Dios.”
Higit marahil ang sakit na naranasan ni Abraham noong sinabihan siya ng Dios na ialay ang mahal niyang anak na si Isaac bilang handog na sinusunog para sa Dios (GEN. 22:2). Sa huli, hindi naman hinayaan ng Dios na mapahamak si Isaac (TAL. 12). Napatunayan kasi ng Dios na handang isuko ni Abraham ang pinakamamahal niya para sumunod sa Kanya. Nagtiwala si Abraham na hindi siya pababayaan ng Dios, kahit sa gitna ng pinakamahirap na pagsubok.
Madalas nating sabihing mahal natin ang Dios, ngunit handa rin ba tayong isuko sa Kanya ang mga mahal natin? Sumunod si Judson Van DeVenter sa utos ng Dios na magpahayag ng Magandang Balita. Kinalaunan, isinulat niya ang isa sa mga kilalang himno, ang “I Surrender All” (“Iniaalay Ko”). Sa huli, ibinalik din ng Dios si Judson sa pagtuturo at naging estudyante niya si Billy Graham, na naging kilalang tagapagpahayag ng Magandang Balita.
Di natin talos ang plano ng Dios. Ngunit ibig Niyang isuko natin ang lahat sa Kanya. Kung tutuusin, maliit na bagay ito kumpara sa ginawa Niyang pag-aalay ng Kanyang Bugtong na Anak para sa ating kaligtasan.
