Lumipat sina Wallace at Mary Brown sa nagdarahop na bahagi ng Birmingham sa bansang England. Layunin nilang alagaan ang nanghihinang kapulungan doon. Ngunit hindi nila alam na pugad pala ng gang (pangkat ng mga masasamang tao) ang paligid ng lilipatan nilang simbahan at tahanan. Binato ng gang ang kanilang mga bintana, sinunog ang kanilang bakod, at pinagbantaan ang kanilang mga anak. Ilang buwang nagpatuloy ang panggugulo ng gang. Hindi sila mapigilan ng mga kapulisan.

Gayundin ang mababasa sa aklat ni Nehemias. Habang itinatayong muli ng mga Israelita ang naguhong pader ng Jerusalem, naranasan nilang guluhin ng mga tagaroon (NEH. 4:8). Ngunit nanalangin ang mga Israelita sa Dios at “naglagay ng mga guwardya” (TAL. 9). Nang mabasa ito nina Wallace at Mary, pakiramdam nila, ginamit ng Dios ang talatang ito upang gabayan sila. Kaya naman, kasama ang kanilang mga anak at ilang kasamahan, lumakad sila sa paligid ng kapilya at nanalangin sa Dios upang magtalaga Siya ng mga anghel na tagabantay nila. Tinuya pa sila ng gang noong araw na iyon. Ngunit nang sumunod na araw, kalahati na lang ng gang ang dumating. Kinabukasan, lima na lang ang natira. Makalipas ang ilang araw, wala nang bumalik. Tumigil na ang gang sa panggugulo.

Hindi laging sa katulad na mahimalang paraan tutugon ang Dios sa atin. Pero paalala ito sa atin na darating ang mga hadlang sa gawain ng Dios, at dapat natin itong labanan sa pamamagitan ng panalangin. Paalala ni Nehemias sa mga Israelita, “Alalahanin natin ang makapangyarihan at kamangha-manghang Panginoon” (TAL. 14). Kayang-kayang palayain ng Dios maging ang mga pusong puno ng karahasan.