Madalas magdulot ng kahihiyan ang kayabangan. Ito ang natutunan ng isang taga Norway. Hinamon niya sa karera si Karsten Warholm, ang kampeon ng 400-meter hurdles sa buong mundo. Ni hindi man lang siya nakasuot panakbo! Pinaunlakan naman siya ni Warholm. Nang matalo ang nanghamon, iginiit niyang pangit ang simula ng takbo niya kaya gusto niyang magkarera silang muli. Napangiti na lamang si Warholm.
Sa Kawikaan 29:23, mababasa natin, “Ang kayabangan ng tao ang magbibigay sa kanya ng kahihiyan, ngunit ang pagpapakumbaba ang magbibigay sa kanya ng karangalan.” Isa sa mga paboritong paksa ni Haring Solomon sa aklat na ito ang pakikitungo ng Dios sa mayayabang (11:2; 16:18; 18:12). Sa mga talatang ito, nangangahulugan ang “pagmamalaki” o “mayabang” ng paglaki ng ulo o mataas na tingin sa sarili. Ibig sabihin, pag- angkin ng karangalang nararapat para sa Panginoon. Kung puno tayo ng kayabangan, higit kaysa sa nararapat ang tingin natin sa ating sarili. Minsang sinabi ni Jesus, “Ang nagpapakataas ng kanyang sarili ay ibababa ng Dios, at ang nagpapakababa ay itataas ng Dios” (MATEO 23:12). Parehong itinuturo nina Jesus at Solomon ang pagpapakumbaba at kababaang-loob. Hindi ito nangangahulugan ng mababang pagtingin sa sarili, kundi ng tamang pagtingin sa sarili at pagkilala na sa Dios galing ang lahat ng mayroon tayo. Kaakibat din nito ang pagkakaroon ng karunungan upang hindi magmagaling sa pamamagitan ng “pabigla-biglang” pagsasalita (KAWIKAAN 29:20).
Ipanalangin natin sa Dios na bigyan Niya tayo ng puso at karunungang magpakumbaba. Sa gayon, mabigyan natin Siya ng kapurihan at hindi kahihiyan.
