Nagsimula ang American Civil War nang tumiwalag ang mga estado ng Amerika na nasa Timog. Marami itong idinulot na mapapait na damdamin. Kaya naman minarapat ng kanilang presidente na si Abraham Lincoln na magsalita ng mabubuti tungkol sa Timog. Hindi makapaniwala ang isang tagamasid na kaya iyong gawin ng presidente. Tugon ni Lincoln, “Hindi ba’t magandang paraan upang mawala ang mga kaaway ko kung kakaibiganin ko sila?”
Makalipas ang isang siglo, pinatungkulan iyon ni Martin Luther King Jr. at sinabi, “Ito ang kapangyarihan ng mapagpalayang pag-ibig.” Hinimok ni King ang mga nagtitiwala kay Jesus na mahalin ang kanilang mga kaaway. Gamit ang mga katuruan ni Jesus, sinabi ni King na kahit mahirap mahalin ang mga umuusig sa kanila, uusbong ang ganitong pag-ibig sa pamamagitan ng “patuloy at buong pagsuko sa Dios.” Sabi pa ni King, “Kung ganito tayo magmahal, makikilala natin ang Dios at mararanasan ang kagandahan ng Kanyang kabanalan.”
Hango iyon sa katuruan ni Jesus sa Mateo 5:44-45, “Ngunit sinasabi ko sa inyo na mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at ipanalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo. Kung gagawin ninyo ito, magiging tunay na anak kayo ng inyong Amang nasa langit.” Pinayuhan Niya ang Kanyang mga tagapakinig na huwag sundin ang kaugalian ng mundo na mahalin lamang ang mga kaibigan at kamuhian ang mga kaaway. Sa halip, tinuturuan tayo ng Dios na umibig kahit sa mga sumasalungat sa atin.
Mahirap mahalin ang mga kaaway, ngunit kung hihilingin natin ang tulong ng Dios, tutugon Siya. Pagkakalooban Niya tayo ng lakas ng loob upang magawang yakapin ang ating mga kaaway. Sinabi ni Jesus, “Imposible ito sa tao; pero sa Dios, ang lahat ay posible” (19:26).
