Gaya ng karamihang guro, ginugugol ni Carrie ang marami niyang oras sa trabaho. Malimit inaabot siya ng gabi sa pagmamarka ng mga papel at pakikipag-usap sa mga estudyante at mga magulang. Para mapanatili ang kanyang lakas, sumasandal siya sa mga kapwa guro. Dahil sa kanilang pagdadamayan at pagtutulungan, gumagaan ang mahirap na trabaho. Nakita sa isang pag-aaral na mas mabuti ang dulot ng pagtutulungan kung may pagpapakumbaba ang mga nagdadamayan. Kapag kasi kinikilala ang kanya-kanyang kahinaan, hindi rin matatakot ibahagi sa isa’t-isa ang kani-kanilang mga kaalaman. Napakalaking kagaanan ito sa pagtutulungan.

Tinuturo rin sa Biblia ang pagpapakumbaba. Pero hindi lang para sa mas mahusay na pagtutulungan. “Ang paggalang sa Panginoon at pagpapakumbaba ay magdudulot sa iyo ng mahabang buhay, kayamanan at karangalan” (KAWIKAAN 22:4). Dahil sa paghahangad natin ng ikabubuti ng ating kapwa, magdudulot sa atin ang pagpapakumbaba ng kasaganahang hindi lang materyal, kundi kasaganahan sa mata ng Dios.

May takot tayo sa Dios hindi dahil gusto nating makatanggap ng “mahabang buhay, kayamanan at karangalan” para sa ating mga sarili. Hindi ito ang tunay na pagpapakumbaba. Sa halip, ninanais nating maging kawangis ni Jesus: “ibinaba Niya nang lubusan ang sarili Niya sa pamamagitan ng pag-aanyong alipin” (FILIPOS 2:7). Sa gayon, maging bahagi tayo ng isang kapulungang nagtutulungan nang may pagpapakumbaba, nagbibigay sa Kanya ng karangalan, at nagbabahagi ng mensahe ng kaligtasan sa mundo.