Noong lumipat ako sa bagong paaralan malapit sa malaking lungsod, tiningnan lang ako ng guidance counselor. Pagkatapos, inilagay sa klaseng pinakamahina sa pagsusulat sa Ingles. Kahit na sa dati kong eskwelahan, ako ang pinakamahusay sa larangan ng pagsusulat sa Ingles. May principal’s award pa nga ako. Pero para sa guidance counselor, hindi ako handa o karapat-dapat. Isinara sa akin ang pinto para sa pinakamahusay na klase sa pagsusulat.
Mauunawaan ng sinaunang kapulungan sa Filadelfia ang karanasan ko. Maliit at payak lang ang Filadelfia. Nagdusa rin sila ng malalang pinsala dulot ng mga lindol. Bukod dito, nakaranas din sila ng pag-atake mula kay Satanas (PAHAYAG 3:9). Isang iglesya na tila hindi napapansin. Ngunit sinabi ni Jesus, “Kahit kakaunti ang inyong kakayahan, sinunod ninyo ang mga turo ko at naging tapat kayo sa akin” (TAL. 8). Kaya naman, nagbukas si Jesus ng “pintuan para sa [kanila] na walang sinumang makapagsasara” (TAL. 8). Tunay nga na “kapag binuksan niya ang pinto ng kaharian, walang makapagsasara nito” (TAL. 7).
Totoo rin iyon sa paglilingkod natin sa Dios. Sarado ang ibang pintuan. Ngunit para sa aking pagsusulat para sa Dios, binuksan Niya ang mga pintuan upang umabot ang aking mga panulat sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Kahit na minsan akong sinaraduhan ng pinto ng isang guidance counselor. Kaya hinihimok kitang magtiwala. Hindi rin hadlang sa iyo ang mga saradong pintuan. “Ako ang pintuan,” sabi ni Jesus (JUAN 10:9). Halina’t pasukin ang mga pintuang binubuksan Niya at sundin Siya.
