Sa aklat na Everything Sad is Untrue (Sana Hindi Totoo ang Lahat), inilarawan ni Daniel Nayeri ang nakapangingilabot na karanasan niya kasama ang nanay at kapatid. Tumakas sila mula sa pang-uusig. Naglakbay sila mula sa kampo ng mga refugee (o dayo) patungo sa Amerika. Buti na lang, may mag- asawang tumulong sa kanila, kahit na hindi sila kakilala. Lumipas ang mga taon, hindi pa rin ito malimutan ni Daniel. “Maniniwala ba kayong ginawa nila iyon? Walang tanong-tanong. Kahit ‘di pa nila kami nakita kailanman. Kung masasama pala kaming tao, napahamak na sila. Para sa akin, napakatapang, napakabuti at napakamapangahas ng ginawa nila.”
Ngunit kung tutuusin, iyan ang nais ng Dios na gawin natin. Sinabi ng Dios sa Israel na maging mabait sila sa mga dayuhan: “ibigin ninyo sila gaya ng inyong sarili, dahil kayo rin noon ay naging dayuhan sa Egipto” (LEVITICUS 19:34). Gayundin ang paalala Niya sa ating mga nagtitiwala kay Jesus na hindi taga Israel: “Alalahanin n’yo rin na noon ay ... hindi kayo kabilang sa mga mamamayan ng Israel at hindi sakop ng mga kasunduan ng Dios na batay sa mga pangako niya. Namumuhay kayo sa mundong ito ng walang pag-asa at walang Dios” (EFESO 2:12). Kaya naman mga dating dayuhan tayong lahat, at inuutusan Niya tayo na “patuluyin ang mga dayuhan” sa ating mga tahanan (HEBREO 13:2).
Ngayong may sariling pamilya na si Daniel, pinupuri pa rin niya sina Jim at Jean Dawson, na “mga totoong nagtitiwala kay Cristo, sukat magpatira sila ng isang dayuhang pamilya sa kanilang tahanan hanggang magkaroon kami ng sariling tahanan.”
Tinatanggap ng Dios ang mga dayuhan. At hinihimok Niya tayong tanggapin din sila.
