Maraming taon ang ginugol ni Soren Solkaer sa pagkuha ng mga larawan ng mga ibong starlings at ang makapigil-hininga nilang paglipad nang sama-sama. Kamangha- mangha silang panoorin. Tila nakaupo ka sa ilalim ng isang along dumadaluyong sa hangin. Sa bansang Denmark, tinatawag ito bilang Black Sun (Itim na Araw), at ito rin ang pamagat ng libro ng mga larawang kuha ni Solkaer. Pinakanakakabilib ang likas na pagsunod ng mga starling sa pinakamalapit nilang kasamahan. Lumilipad sila nang sobrang magkakalapit, na sa konting pagkakamali ng isa, magdurusa ang lahat. Ginagamit ng mga starling ang dikit-dikit na paglipad bilang proteksyon. Madali kasi silang dagitin kung nag-iisa lamang. Pero hindi kung sama-sama. Kaya kapag may lumapit na lawin, agad silang bumubuo ng mahigpit na pormasyon at sabay-sabay na kumikilos upang itaboy ang mandaragit.
Mas mainam talaga kung sama-sama kaysa mag-isa. Ayon din sa Mangangaral, “Mas mabuti ang may kasama kaysa mag-isa. Kapag nadapa ang isa... maitatayo siya ng kasama... pwede kayong matulog nang magkatabi at pareho kayong maiinitan” (4:9-11). Kapag mag-isa tayo at nakahiwalay sa iba, madali tayong mabibiktima. Mahina tayo kung wala ang tulong ng ating kapwa.
Ngunit kung may kasama tayo, makatatanggap at maka- pagbibigay lingap tayo sa isa’t-isa. “Madali kang matalo kung nag-iisa ka, pero kung may kasama ka, mahirap kayong talunin. Tulad din ng lubid na may tatlong pilipit na hibla, mahirap itong malagot” (TAL.12). Mas mainam talaga ang sama-sama, lalo na habang pinangungunahan tayo ng Dios.
