Hangga’t nakatikom ang bibig mo, wala kang maling magagawa. Ito ang sinabi ko sa sarili ko dahil pinipilit kong huwag ipakitang galit ako sa isang kasamahan sa trabaho. At dahil makikita ko siya araw-araw, napagdesisyunan kong limitahan na lang ang pakikipag-usap sa kanya (at manahimik bilang ganti). May mali ba kung mananahimik na lang ako?
Ang sabi ni Jesus, nagsisimula ang kasalanan sa puso (MATEO 15:18−20). Maaaring maloko ko ang mga tao na maayos lang ang lahat dahil sa pananahimik ko, pero hindi ang Dios. Alam Niya na may itinatago akong galit sa puso. Katulad ako ng mga Pariseo na pinaparangalan ang Dios sa kanilang bibig, pero malayo naman ang puso sa Kanya (TAL. 8). Hindi man nakikita sa panlabas ang galit ko, pero kinakain naman nito ang loob ko. Dahil dito, nawala ang dating kagalakan at kalapitang nararanasan ko sa piling ng Panginoon. Ito ang ginagawa ng kasalanan sa atin.
Sa tulong ng Dios, sinabi ko sa kasamahan ko ang nararamdaman ko at humingi ako ng tawad. Pinatawad naman niya ako at naging mabuti kaming magkaibigan. “Sa puso ng tao nagmumula ang masasamang pag-iisip” (TAL. 19). Ayon kay Jesus, mahalaga ang kalagayan ng ating puso dahil kung anuman ang naroroon, lalabas ito sa ating buhay. Parehong mahalaga ang ating panlabas at panloob na kalagayan.
