Noong unang beses naming nakilala ang kapitbahay naming si Henry, naglabas agad siya ng Biblia. Masaya niya kaming tinanong kung gusto naming pag-usapan ang Salita ng Dios. Pumayag kami at binuksan niya ang Biblia sa mga talatang namarkahan na niya. Mayroon din siyang kwaderno na puno ng kanyang mga pag-aaral. Sinabi pa niyang mayroon din daw siyang iba pang nakatala sa kanyang kompyuter. Ikinuwento pa niya na noon daw, magulo ang buhay niya. At noong lugmok na lugmok siya, tinanggap niya ang pagkamatay at muling pagkabuhay ng Panginoong Jesus bilang saligan ng kanyang pananampalataya (GAWA 4:12). Nabago ang buhay niya. Sa tulong ng Banal na Espiritu, isinabuhay niya ang mga aral ng Biblia. Matagal nang mananampalataya si Henry, ngunit nananatiling parang bago ang sigasig niya.
Matagal na rin akong nagtitiwala kay Jesus. Naging inspirasyon para sa akin ang pagiging maalab at masigasig ni Henry. Siniyasat ko ang sarili ko.
Sabi ni Apostol Pablo, “Huwag kayong maging tamad kundi magpakasipag at buong pusong maglingkod sa Panginoon” (ROMA 12:11). Mukhang mahirap itong gawin. Pero magagawa ito kung hahayaan kong mangusap sa akin ang Salita ng Dios para manatili akong laging mapagpasalamat sa lahat ng ginawa ng Panginoong Jesus para sa akin.
Hindi sa saya o lungkot ng buhay nakabatay ang pagiging masigasig natin para kay Cristo, kundi sa ating lumalagong relasyon sa Kanya. Habang mas nakikilala natin Siya, mas lalo natin Siyang minamahal. Napupuno ang puso natin ng kabutihan Niya, kaya hindi natin mapigilang ibahagi Siya sa iba.
