Namasyal kami ng tatlong taong gulang kong anak na si Xavier sa Monterey Bay Aquarium sa California. Pagpasok pa lang, pinisil na niya ang kamay ko sa tuwa. Nanlaki ang mata niya nang makita ang eskultura ng isang balyena. Patuloy ang saya niya habang nililibot namin ang lugar. Nagtawanan kami nang mapanood ang mga malilikot na otter habang kumakain. Namangha rin kami sa malaking aquarium habang pinanonood na lumangoy ang mga tila kulay gintong dikya sa asul na tubig. Sabi ko sa anak ko, “Nilikha ng Dios ang lahat ng nilalang sa dagat, at Siya rin ang lumikha sa atin. “Wow,” tugon ng anak ko.
Kinilala ng sumulat ng Salmo 104 ang maraming nilikha ng Dios sa pamamagitan ng awit: “Kay dami ng Inyong mga ginawa, Panginoon. Nilikha N’yo ang lahat ayon sa Inyong karunungan. Ang buong mundo ay puno ng Inyong nilikha. Ang dagat ay napakalawak, at hindi mabilang ang Inyong mga nilalang dito, may malalaki at maliliit” (TAL. 24-25). Ipinahayag din niya ang nag- uumapaw na probisyon ng Dios sa Kanyang nilikha (TAL. 27-28). Ayon din sa kanya, itinakda na ng Dios kung hanggang kailan mabubuhay ang bawat nilikha Niya (TAL. 29-30).
Samahan nating umawit ang sumulat ng salmong ito, “Aawit ako sa Panginoon habang nabubuhay. Aawit ako ng papuri sa aking Dios habang may hininga” (TAL. 33). Maaaring magtulak sa atin ang bawat nilikha, malaki man o maliit, upang purihin ang Dios dahil Siya ang lumikha sa kanilang lahat.
