Kamakailan ay nabasa ko ang isang nobela tungkol kay Nicola, isang babaeng may malalang kanser. Hindi tanggap ni Nicola ang sakit niya, kaya pinipilit siya ng mga kaibigan niya na harapin ang katotohanan. Nalaman nila ang dahilan ni Nicola: “Sinayang ko ang buhay ko.” Ipinanganak siyang mayaman at maraming kakayahan pero ayon sa kanya: “Wala akong narating sa buhay. Hindi ako tumagal sa anumang sinimulan ko. Marami akong kapalpakan.” Masakit para sa kanya ang mamatay nang wala masyadong nakamit sa buhay.
Kasabay ng pagbabasa ko sa nobelang iyon, nabasa ko rin ang aklat ng Mangangaral. Nakita ko ang kaibahan nito sa pananaw ni Nicola. Itinuturo ng Mangangaral na hindi natin dapat iwasang pag- usapan ang kamatayan: “sa lugar ng mga patay na patutunguhan mo” (9:10). Mahirap man itong harapin (TAL. 2), matutulungan tayo nitong pahalagahan ang bawat sandali ng buhay (TAL. 4). Gayundin ang magpakasaya sa pagkain kasama ang pamilya (TAL. 7-9), magtrabaho nang buong makakaya (TAL. 10), at makipagsapalaran (11:1-6). Ginagawa natin ang lahat ng ito sa harap ng Dios, dahil sa Kanya tayo mananagot balang araw (TAL. 9; 12:13-14).
Sinabi ng mga kaibigan ni Nicola na isa siyang mapagbigay at tapat na kaibigan, kaya may kabuluhan ang buhay niya. Matutulungan naman tayo ng mga payo ng Mangangaral upang maiwasan ang krisis na pinagdaanan ni Nicola: “alalahanin mo ang lumikha sa iyo” (12:1), sundin ang Kanyang mga utos, at kunin ang bawat pagkakataon na mamuhay at magmahal sa bawat araw na kaloob Niya.
