Libu-libong halaga ng pagkain ang dumating sa bahay ng isang lalaki—naglalakihang sugpo, shawarma, iba’t-ibang ensalada, at kung anu-ano pa. Wala namang okasyon. Hindi rin binili ng lalaki ang mga pagkaing iyon. Paano nga ba iyon nangyari? Pinahiram pala niya ang kanyang cellphone sa bata niyang anak, at ginamit ito ng bata para umorder ng mga pagkain sa iba’t-ibang restawran. Tinanong ng lalaki ang anak niyang nagtago sa ilalim ng kumot kung bakit niya ginawa iyon. “Gutom po kasi ako,” sagot ng bata. Nagbunga ng napakalaking gastos ang gutom na sikmura at murang isipan ng bata.

Sa Genesis 25 naman, mababasa natin kung ano ang naging kapalit ng gutom ni Esau. Galing siya noon mula sa pangangaso. Nang makita niyang nagluluto ang kapatid niyang si Jacob, sinabi niya, “Pakiusap, bigyan mo nga ako ng niluluto mong mapula- pulang sabaw dahil gutom na gutom na ako” (TAL. 30). Bilang kapalit, hiningi ni Jacob ang karapatan ni Esau bilang panganay (TAL. 31). Ibig sabihin, mapupunta na kay Jacob ang espesyal na katayuan ng isang panganay, ang mga pagpapala mula sa pangako ng Dios, ang dobleng parte ng mana, at ang pagiging espirituwal na lider ng pamilya. Dahil sa gutom niya, “kumain at uminom” si Esau at “binalewala niya ang karapatan niya bilang panganay” (TAL. 34).

Kapag natutukso tayong makuha ang isang bagay, imbes na hayaan nating humantong sa kasalanan ang ating pagnanasa, lumapit tayo sa ating Ama sa langit. Siya ang magpupuno sa atin ng lahat ng “mabubuting bagay” (SALMO 107:9 ᴀʙᴀʙ).