Noong panahon ng matinding kahirapan na tinatawag na The Great Depression, sumikat si John Millburn Davis. Isa siyang milyonaryong walang anak. Imbes kasi na ibigay ang pera sa mahihirap o itulong sa ekonomiya, nagpagawa siya ng 11 estatwa niya at ng namatay niyang asawa. Inilagay niya ang mga iyon sa pampublikong sementeryo.

Nang makapanayam si Davis ng mamamahayag na si Ernie Pyle, sinabi niyang galit sa kanya ang mga taga-Kansas. Para kasi sa kanila, dapat nagpagawa na lang si Davis ng mga pampublikong pasilidad gaya ng mga ospital o parke, sa halip na mga estatwa. Sabi naman niya, “Pera ko naman iyon, kaya gagawin ko ang gusto ko sa pera ko.”

Para naman kay Haring Solomon, na pinakamayamang tao noong nabubuhay siya, “Ang taong maibigin sa pera at iba pang kayamanan, kailanman ay hindi masisiyahan. Kung dumarami ang kayamanan mo, dumarami rin ang nakikinabang nito” (MANGANGARAL 5:10-11). Natutunan ni Solomon na kung minsan, napapasama ang tao dahil sa kayamanan.

Alam din ni Apostol Pablo ang katotohanang ito kaya pinili niyang ilaan ang buhay niya sa pagsunod sa Panginoong Jesus. Habang nakakulong at naghihintay ng sentensya, isinulat niya, “Ang buhay ko ay iaalay na, dahil dumating na ang panahon ng pagpanaw ko... Natapos ko ang dapat kong takbuhin. Nanatili akong tapat sa pananampalataya” (2 TIMOTEO 4:6-7).

Hindi mananatili ang mga bagay na ginawa o binili natin para sa ating sarili, kundi ang mga ginawa natin dahil sa pagmamahal sa isa’t isa at sa Dios na Siyang nagturo sa atin kung paano magmahal.