Noong 1701, nagtayo ang Church of England ng isang samahan na tinawag nilang Society for the Propagation of the Gospel (Samahan Upang Ipangaral ang Magandang Balita). Layon ng samahang ito na makapagpadala ng mga misyonero sa buong mundo. Ang motto o kasabihan nila ay transiens adiuva nos. Wikang Latin ito na ang ibig sabihin ay, “Pumarito kayo at tulungan ninyo kami!” Noon pa lamang unang siglo, ito na ang panawagan sa mga nagtitiwala kay Jesus para ipahayag ang pag-ibig at pagpapatawad Niya sa mundong nangangailangan nito.
Galing sa Gawa 16 ang “Pumarito kayo at tulungan ninyo kami!” Nang dumating sina Apostol Pablo at mga kasama niya sa Troas, nagkaroon ng pangitain si Pablo. May isang lalaking taga- Macedonia ang nakatayo at nagsusumamo sa kanya, “Pumarito kayo sa Macedonia at tulungan ninyo kami” (TAL. 9 ᴍʙʙ). Agad na naghanda sina Pablo para pumunta sa Macedonia dahil alam nilang mahalaga ang panawagang iyon (TAL. 10).
Hindi lahat ay tinatawag na ipangaral si Jesus sa kabilang dako ng mundo. Pero maaari nating suportahan ang mga gumagawa nito sa pamamagitan ng pananalangin at pagbibigay. Gayunpaman, lahat tayo ay maaaring magpahayag ng Magandang Balita—sa kabilang kalsada man, sa ating komunidad, o saan mang malapit sa atin. Ipanalangin natin na tulungan tayo ng Dios na puntahan sila upang ibigay ang pinakamahalagang tulong: ang pagkakataong mapatawad ang kanilang kasalanan sa pangalan ni Jesus.
