Isang propesor ng pilosopiya at literatura si Jack. Napakatalino niya. Mula noong 15 taong gulang pa lang siya, hindi na siya naniniwala sa Dios. Hanggang sa magkaedad na siya. Sinubukan siyang kumbinsihin ng mga kaibigan niyang nagtitiwala kay Jesus pero ang sabi ni Jack, “Lahat na lamang ay naniwala na.” Gayunpaman, inamin ni Jack na kakaiba sa lahat ng mga literatura ang Biblia. Ang sabi niya tungkol sa apat na aklat ng Bagong Tipan tungkol kay Jesus, “Kung magkatotoo man ang isang alamat, at magkatawang-tao, ito mismo iyon.”
Isa sa bahagi ng Biblia na nakaimpluwensya kay Jack ay ang Exodus 3. Dito, tinawag ng Dios si Moises upang pangunahan ang mga Israelita palabas ng Egipto. Nagtanong si Moises sa Dios, “Sino po ako para humarap sa Faraon?” Sagot ng Dios, “Ako’y si Ako Nga” (TAL. 11, 14 ᴍʙʙ). Malalim ang kahulugan ng mga salitang ito tungkol sa pangalan ng Dios, na nagpapakitang mula pa sa umpisa, nariyan na ang Dios. Kinalaunan ganito rin ang sinabi ni Jesus sa Juan 8:58, “Bago pa ipanganak si Abraham, ‘Ako ay Ako na’” (ᴍʙʙ).
Nakumbinsi si Jack, na mas kilala bilang C.S. Lewis, ng talatang iyon. Ito lamang ang kinailangang sabihin ng nag-iisang tunay na Dios—na Siya ang “Ako Nga”—upang maniwala si Lewis. Kinilala ni Lewis na ang Dios ay Dios. Iyon ang naging simula para magtiwala at sumampalataya siya kay Jesus.
Marahil nahihirapan din tayong maniwala gaya ni Lewis. O kaya naman, mahina ang ating pananampalataya. Magandang tanungin natin ang ating sarili kung ang Dios ay Dios nga sa ating buhay.
