Umiiyak at hindi mapakali ang sanggol na si Graham habang kandong ng kanyang ina. Inilalagay kasi ng doktor ang kanyang unang hearing aid (kagamitan upang matulungan ang isang taong makarinig). Nang gumana ang hearing aid, tumigil sa pag-iyak si Graham. Nanlaki ang kanyang mata at ngumiti. Sa wakas, narinig na niya ang boses ng nanay niya na tinatawag ang pangalan niya, nilalambing siya, at pinapatahan.
Naririnig man ni Graham ang boses ng nanay niya, kailangan pa rin niyang matutunang makilala ang kanyang boses at maintindihan ang mga sinasabi niya. Ganito rin ang gusto ni Jesus na matutunan natin. Kapag nagtiwala tayo kay Jesus bilang ating Tagapagligtas, tayo ay nagiging tupa Niya. Kaya kilala Niya tayo at ginagabayan (JUAN 10:3). Habang pinapakinggan natin ang tinig Niya, matututo tayong pagtiwalaan at sundin Siya (TAL. 4).
Noong panahon ng Lumang Tipan, nagsalita ang Dios sa pamamagitan ng mga propeta. Sa Bagong Tipan naman, nagkatawang tao si Jesus at direktang nakipag-usap sa tao. At sa panahon natin ngayon, tinutulungan ng Banal na Espiritu ang mga nagtitiwala kay Jesus upang maintindihan at sundin ang Salita ng Dios—ang Biblia. Sa pamamagitan ng pananalangin, makakausap natin si Jesus. Kinakausap naman Niya tayo sa pamamagitan ng Biblia at ng ating mga kapwa nagtitiwala sa Kanya. Habang natututunan nating kilalanin ang tinig ng Dios sa Biblia, masasabi natin, “O Dios, naririnig po Kita!”
