May mga kaibigan si Monique na nagtitiwala kay Jesus, at iginagalang niya ang paniniwala nila. Sa katunayan, medyo naiinggit pa nga siya sa kanila. Pero hindi niya kayang mamuhay nang katulad nila. Akala kasi niya, puro tungkol lang sa pagsunod sa mga utos ang pagiging mananampalataya. Hanggang sa isang kaklase niya ang nagpaliwanag sa kanyang hindi gusto ng Dios na pigilan siyang maging masaya. Sa halip, gusto ng Dios kung ano ang pinakamabuti para sa kanya. Nang maunawaan iyon ni Monique, naging handa siyang magtiwala kay Jesus bilang Tagapagligtas at niyakap niya ang napakagandang katotohanang mahal siya ng Dios.
Ganoon din marahil ang magiging payo ni Haring Solomon kay Monique kung nagkita sila. Alam ni Solomon na kasama sa buhay ang lungkot at problema. Tunay ngang “may oras na nakatakda para sa lahat” (MANGANGARAL 3:1)—“may oras ng pagluha at may oras ng pagtawa” (TAL. 4). Hindi lang iyon, binigyan din tayo ng Dios ng “pagnanais na malaman ang hinaharap” (TAL. 11). Ang hinaharap na ito ay buhay sa piling ng Dios.
Nang magtiwala si Monique kay Jesus, nagkaroon siya ng “buhay na ganap” gaya ng sinabi ni Jesus sa Juan 10:10. Pero hindi lang iyon ang natanggap niya! Dahil sa pananampalataya, matatamasa niya ang isang hinaharap sa piling ng Dios, kung saan wala nang lungkot at problema (ISAIAS 65:17). Doon, ang presensya ng Dios ang ating walang hanggang katotohanan.
