Kilala si Leonardo da Vinci sa pagiging matalino at mahusay. Sa katunayan, nakatulong nang malaki ang mga nagawa niya sa pag-aaral sa iba’t ibang larangan at sa sining. Pero hindi ganoon ang tingin ni Leonardo. Sabi niya, “Miserable ang buhay,” at kapag namatay daw tayo, “mabubura ang anumang alaala natin.”
Ang sabi pa niya, “Ang akala ko, natututo akong mabuhay. Iyon pala, natututo ako kung paano mamatay.” Ang hindi alam ni Leonardo, malapit iyon sa katotohanan. Ang matuto kung paano mamatay ang paraan para mabuhay. Matapos ng matagumpay na pagpasok ni Jesus sa Jerusalem, sinabi Niya, “Malibang mamatay ang isang butil ng trigong itinanim sa lupa, mananatili itong nag-iisa. Ngunit kung mamatay, tutubo ito at mamumunga nang marami” (TAL. 24). Tinutukoy Niya dito hindi lang ang Kanyang kamatayan, kundi maging ang kamatayan natin. “Ang taong labis na nagpapahalaga sa kanyang buhay ay mawawalan nito, ngunit ang hindi nanghihinayang sa buhay niya sa mundong ito alang-alang sa Akin ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan” (TAL. 25).
Ayon kay Apostol Pablo, “Noong binautismuhan tayo, namatay tayo at inilibing na kasama Niya. Kung paanong binuhay muli si Cristo sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan ng Ama, tayo rin ay mamuhay sa bagong buhay. At kung nakasama tayo sa Kanyang kamatayan, tiyak na mabubuhay tayong muli tulad ng muli Niyang pagkabuhay” (ROMA 6:4-5).
Sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan, iniaalok sa atin ni Jesus ang isang bagong buhay. Gumawa Siya at ang Ama ng daan patungo sa buhay na walang hanggan.
