May bagong trabaho si Cindy sa isang kompanyang layuning makatulong sa iba. Tuwang-tuwa si Cindy dahil hindi lang iyon basta trabaho. Pero nalaman niyang hindi pala ganoon ang paniniwala ng mga kasamahan niya. Pinipintasan nila ang kompanya at hindi ginagampanan nang maayos ang trabaho nila. Naghahanap na rin sila ng trabahong may mas malaking sweldo. Naisip ni Cindy na hindi na lang sana siya pumasok sa trabahong iyon. Ang inakala niyang maganda, hindi pala sa malapitan.
Ito rin ang naging problema ni Jesus sa puno ng igos na binanggit sa Marcos 11:13. Hitik na sa dahon ang puno kaya kung titingnan, mukhang mabunga na ito. Pero hindi pala. May mga dahon na nga, pero wala pang bunga. Nadismaya si Jesus at isinumpa ang puno, “Mula ngayon, wala nang makakakain ng bunga mo” (TAL. 14). Kinaumagahan, “nakita nilang tuyong-tuyo na [ang puno] hanggang sa ugat” (TAL. 20).
Sanay magutom si Jesus. Nag-ayuno nga Siya noon ng 40 araw. Kaya hindi Niya isinumpa ang puno dahil gutom Siya. Ginawa Niya iyon para magturo ng aral. Inilalarawan Niya ang bansang Israel. Marami silang alam tungkol sa Dios pero hindi nila naintindihan ang pinakamahalagang detalye. Sa katunayan, ipapapatay nila ang kanilang Tagapagligtas, ang Anak ng Dios. Nabubulagan talaga sila.
Maaaring maganda tayong tingnan sa malayo. Pero lalapitan tayo ni Jesus at maghahanap Siya ng bunga na tanging sa Banal na Espiritu lang nagmumula, gaya ng pag-ibig, kagalakan at kapayapaan (GALACIA 5:22). Umasa tayo sa Banal na Espiritu para magbunga tayo para kay Jesus.
