Noong Disyembre 30, 1862, sa gitna ng Digmaang Sibil sa Amerika, nagkampo ang magkalabang Union at Confederate sa magkabilang panig ng Stones River sa lugar ng Tennessee. Habang nagpapainit sa paligid ng apoy, nagsimulang tugtugin ng mga sundalo ng Union ang “Yankie Doodle.” Bilang tugon, tumugtog naman ng “Dixie” ang mga sundalo ng Confederate. Sa isang kahanga-hangang sandali, magkasabay nilang tinugtog ang “Home, Sweet Home.” Sa kabila ng pagiging magkaaway, tumugtog sila ng musika sa madilim na gabi. Isang sandali ng kapayapaang hindi nila inakala. Gayunpaman, kinaumagahan, ibinaba nila ang kanilang mga instrumento at muling dinampot ang kanilang mga baril, na kumitil sa 24,645 na buhay.
Hindi sapat ang ating pagsisikap para sa kapayapaan. Kapag natapos ang alitan sa isang lugar, may sisiklab muli sa ibang dako. Maaaring magkaroon ng pagkakasundo sa isang relasyon, ngunit pagkalipas ng ilang buwan, maaari itong bumalik sa hidwaan. Sinasabi ng Biblia na ang Dios lamang ang tunay na tagapamayapa. Sinabi ni Jesus nang malinaw, “Sinabi Ko sa inyo ang mga bagay na ito para magkaroon kayo ng kapayapaan sa Akin” (JUAN 16:33). Mayroon tayong kapayapaan kay Jesus. Habang nakikibahagi tayo sa Kanyang misyon upang maghasik ng kapayapaan, tanging ang pagkikipagkasundo at pagpapanibago mula sa Dios ang tunay na pinagmumulan ng kapayapaan.
Sinasabi sa atin ni Cristo na hindi natin matatakasan ang hidwaan: “Daranas kayo ng paghihirap dito sa mundo.” Ngunit dagdag Niya, “Magpakatatag kayo dahil nagtagumpay na Ako laban sa kapangyarihan ng mundo” (TAL. 33). Bagama’t madalas na walang saysay ang ating sariling pagsisikap, ang ating mapagmahal na Dios (TAL. 27) ang lumilikha ng kapayapaan sa ating magulong mundo.
