Isa sa mga kilalang karakter ng panitikan ang “halimaw” sa nobelang Frankenstein, na isinulat ni Mary Shelley. Ngunit para sa mga masugid na mambabasa ng nobelang ito, si Victor Frankenstein—ang siyentipikong lumikha sa nilalang—ang tunay na halimaw. Matapos kasi niyang lumikha ng matalinong nilalang, hindi niya ito binigyan ng anumang patnubay, pakikisama, o pag-asang lumigaya. Ito ang siyang nagtulak sa nilalang sa desperasyon at poot. Sa pakikipagharap nito kay Frankenstein, nanaghoy siya, “Ikaw, na aking manlilikha, ang dudurog sa akin at magtatagumpay.”

Mabuti na lang at hindi katulad ni Frankenstein ang Dios na Manlilikha ng lahat ng bagay. Hindi nagbabago at walang humpay ang Kanyang pagmamahal sa Kanyang nilikha. Nilikha Niya ang lahat nang may pag-ibig, at “lubos Siyang nasiyahan” sa lahat ng ito (GENESIS 1:31). At kahit na tumalikod sa Kanya ang sangkatauhan at pinili ang mala-halimaw na kasamaan, hindi nagbago ang pangako at pagmamahal ng Dios.

Tulad ng ipinaliwanag ni Jesus kay Nicodemus, sa sobrang pagmamahal ng Dios sa sanlibutan, “ibinigay Niya ang Kanyang Bugtong na Anak” (JUAN 3:16) upang maligtas ang mundo. Sinakripisyo ni Jesus ang Kanyang sarili, inako ang ating mga kasalanan, “upang ang sinumang sumasampalataya sa [Kanya] ay magkaroon ng buhay na walang hanggan” (TAL. 15).

Mayroon tayong Manlilikha na maaari nating pagkatiwalaan ng ating mga puso at buhay.