Minsan, noong nasa kindergarten pa lang ang anak kong si Xavier, iniunat niya ang braso niya at sinabing, “Ganito kita kamahal.” Iniunat ko rin ang braso ko, “Ganito naman kita kamahal.” Sagot niya, “Una kitang minahal.” Napailing ako, “Minahal na kita simula pa noong nilagay ka ng Dios sa sinapupunan ko.” Nanlaki ang mata niya, “Panalo ka na.” Sagot ko naman, “Pareho tayong panalo dahil si Jesus ang unang umibig sa ating dalawa.”
Ngayon, habang naghahanda si Xavier sa pagsilang ng kanyang panganay, panalangin kong magkaroon din siya ng masasayang alaala habang sinusubukang higitan ang pagmamahal ng kanyang anak. Bilang lola, lubos naman akong namangha kung gaano ko na kamahal ang aking apo noong sinabi pa lang nina Xavier at asawa niyang magkaka-anak na sila.
Sa Biblia, pinatunayan ni Juan na sa pamamagitan ng pag- ibig ni Jesus, magagawa nating mahalin Siya at ang ating kapwa (1 JUAN 4:19). Nagbibigay sa atin ng kasiguraduhan ang pag-ibig ng Dios, at lumalalim ang ating relasyon sa Kanya (TAL. 15-17). Habang nakikita natin ang lalim ng pag-ibig ng Dios (TAL. 19), mas lalo ring lumalago ang ating pag-ibig sa Kanya at sa ating kapwa (TAL. 20). Hindi lang tayo tinutulungan ni Jesus na magmahal, utos rin Niya ito: “Kaya ito ang utos na ibinibigay sa atin ni Cristo: ang taong nagmamahal sa Dios ay dapat ding magmahal sa kanyang kapatid” (TAL. 21). Sa sukatan kung sino ang higit na nagmamahal, laging panalo ang Dios. Kahit gaano pa natin subukan, hindi natin mahihigitan ang pag-ibig Niya.
