Isang umaga, habang paalis ng bahay, nakita ni Dean ang ilan sa mga kaibigan niyang naghihintay at may dalang mga lobo. Sabi ng kaibigang si Josh, “Sinali namin ang mga tula mo sa isang paligsahan.” Pagkatapos, iniabot niya ang isang sobreng may nakasulat na “Unang Gantimpala.” Napaiyak sa tuwa ang lahat. Patunay kasi ito ng talento ni Dean sa pagsusulat.
Maituturing na isang kabalintunaan ang pagluha dahil sa kagalakan. Karaniwan kasi, ang luha ay palatandaan ng hapdi, hindi ng kaligayahan. Samantala, karaniwang namamalas ang kasiyahan sa pagtawa, hindi sa pagluha. Napag-alaman ng mga Italyanong psychologists na nararanasan ang luha ng kagalakan sa mga pagkakataon ng malalim na emosyon tulad ng matinding pagmamahal o pagkapanalo. Kaya ayon sa kanila, nagbibigay pahiwatig ang ating luha ng kagalakan sa kung anong nagbibigay ng kahulugan sa ating mga buhay.
Nakikita ko sa aking imahinasyon ang mga nag-uumapaw na luha ng kagalakan saanman pumunta si Jesus. Paanong hindi maiiyak sa tuwa ang mga magulang ng lalaking ipinanganak na bulag, nang pagalingin siya ni Jesus (JUAN 9:1-9)? O sina Maria at Marta matapos Niyang buhayin ang kanilang kapatid na namatay (11:38-44)? Sabi ng Dios, “Mag-iiyakan sila sa tuwa at mananalangin habang dinadala ko sila pauwi” (JEREMIAS 31:9).
Kung nagpapakita sa atin ng kahulugan ng buhay ang luha ng kagalakan, isipin natin ang dakilang araw na parating. Habang umaagos ang mga luha sa ating mga mukha, malalaman natin nang walang pag-aalinlangan na ang tunay na kahulugan ng buhay ay ang pamumuhay nang may malapit na relasyon sa Dios.
