Noong kasal namin, tinanong ako ng ministro, “Nangangako ka bang mamahalin, igagalang, at susundin ang iyong asawang lalake hanggang kamatayan?” Napabulong ako, “Susundin?” Itinaguyod namin ang aming relasyon nang may pagmamahal at paggalang, hindi sa bulag na pagsunod, na tila ipinapahiwatig ng salita. Nakunan ng litrato ang pagkagulat ko sa salitang “susundin,” bago ako nakasagot ng “Opo.”

Katagalan, ipinakita sa akin ng Dios na walang kinalaman ang salitang “pagsunod” sa masalimuot na pagsasama ng mag-asawa. Akala ko noon, ang kahulugan ng “pagsunod” ay “pagsupil” o “sapilitang pagsuko.” Hindi sinusuportahan ng Kasulatan ang ganitong kahulugan. Sa halip, nagpapahayag pala ang “pagsunod” ng maraming paraan kung paano natin mamahalin ang Dios. Ngayong ipinagdiriwang namin ang ika-tatlumpung anibersaryo bilang mag-asawa, sa tulong ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu, natututo pa rin kami kung paano mahalin si Jesus at ang isa’t isa.

Nang sabihin ni Jesus, “Kung mahal n’yo Ako, susundin n’yo ang Aking mga utos” (JUAN 14:15), ipinakita Niya na bunga ang pagsunod sa Kasulatan ng ating patuloy na pagmamahal at malapit na ugnayan kay Jesus (TAL. 16-21).

Hindi makasarili, walang kondisyon, at hindi mapilit o mapang-abuso ang pagmamahal ni Jesus. Habang sinusunod at pinararangalan natin Siya sa lahat ng ating relasyon, tutulungan tayo ng Banal na Espiritu upang maunawaang ang pagsunod kay Jesus ay isang akto ng maalam na pagtitiwala at mapagmahal na pagsamba.