Halos walumpung taong gulang na ang mga kalalakihan ng isang grupong nag-aaral ng Salita ng Dios. Kaya nagulat akong patuloy pa rin pala ang pakikipagbuno nila sa pag- nanasa ng laman, na nagsimula noong nagbibinata sila. Araw- araw, nangangako silang susundin nila ang kalooban ni Jesus at humihingi sila ng tawad kapag natatalo sila ng tukso.

Hindi naman yata dapat ikagulat na lumalaban pa rin sa karaniwang tukso ang mga na kay Cristo kahit matanda na sila. Dios-diosan ang tawag sa anumang sumusubok umagaw ng puwang ng Dios sa buhay natin. Maaaring bumalik ulit ang mga iyan kahit pa matagal nang napagtagumpayan.

May mga kahalintulad iyan na nakatala sa Biblia. Nakaligtas na si Jacob sa tiyuhing si Laban at kapatid na si Esau. Tutungo na siya at kanyang pamilya sa Betel. Doon nila papupurihan ang Dios at ipagdiriwang ang mga biyaya ng Dios sa kanila. Pero may baon pa pala silang mga dios-diosan na kailangan nang iwanan, kaya ibinaon ni Jacob sa lupa ang mga dios-diosan (GENESIS 35:2-4). Sa dulo ng Aklat ni Josue, kahit nalipol na ng mga Israelita ang mga kalaban at naninirahan na sila sa Canaan, kinailangan pa silang sabihan ni Josue na “itakwil n’yo na ang mga dios-diosan n’yo at paglingkuran ninyo nang buong puso ang Panginoon” (24:23). May itinago ring dios-diosan ang asawa ni Haring David na si Mical. Ginamit niya ito upang lituhin ang mga nais pumatay kay David (1 SAMUEL 19:11-16).

Mas karaniwan pa ang mga dios-diosan kaysa sa inaakala natin. Pero higit pa rin ang pagtitiyaga ng Dios sa atin—higit sa nararapat para sa atin. Muli man tayong subukin ng tukso, alam nating mas higit ang pagpapatawad ng Dios. Talikuran nawa natin ang kasalanan at makamtan ang kapatawaran ni Jesus.