Inoperahan na naman dahil sa muscular dystrophy o pagkasira ng kalamnan ang batang anak na lalaki ni Keri. Gusto ni Keri na tumulong sa iba para hindi naman laging ang pinagdaraanang pagsubok ang naiisip niya. May mga sapatos ang anak na hindi masyadong nagamit pero napagliitan na. Naisip ni Keri na ibigay ang mga ito sa isang samahang naglilingkod sa mga nangangailangan. Nakisali rin ang mga kaibigan, kapitbahay at pamilya nila. Hindi nagtagal, mahigit dalawandaang pares ng sapatos ang naging donasyon nila.

Kahit na ginawa iyan ni Keri para sa iba, pakiramdam niya, sila ang mas nakinabang. “Natulungan kaming isipin ang ibang tao at nahango kami mula sa sarili naming panlulumo.”

Batid din ni Apostol Pablo na mahalagang maging mapagbigay ang mga na kay Cristo-Jesus. Noong patungo siya sa Jerusalem, dumaan muna siya sa Efeso para bisitahin sa huling pagkakataon ang mga nagtitiwala kay Jesus na nagpapatuloy sa pagtitipong sinimulan niya roon. Sa pamamaalam niya sa mga lider ng grupo, ipinaalala ng apostol ang pagsusumikap niya sa paglilingkod sa Dios (GAWA 20:17-20) at hinikayat silang maging ganoon din. Bilang pangwakas na salita, inulit ng apostol ang sinabi ni Jesus: “Mas mapalad ang nagbibigay kaysa sa tumatanggap” (TAL. 35).

Nais ni Jesus na ibahagi natin ang sarili natin sa iba nang may kalayaan at pagpapakumbaba (LUCAS 6:38). Kapag nagtitiwala tayo sa gabay ni Jesus, bibigyan Niya tayo ng pagkakataon na gawin iyan. Tulad nila Keri, malamang magulat tayo sa kagalakang mararanasan natin.