Minsan sa isang linggo, nagtuturo ang asawa kong si Sue sa mga bata para matutunan nila ang Salita ng Dios. Minsan, hinikayat nila ang mga bata na mag-ambag ng pera para makatulong sa mga batang taga Ukraine, isang bansang humaharap sa giyera. Naikuwento ito ni Sue kay Maggie, ang apo naming labing-isang taong gulang. Paglipas ng isang linggo, nakatanggap kami ng sulat mula kay Maggie. “Ito po ang lahat ng pera ko ngayon para sa mga bata sa Ukraine. Magpapadala po ako ulit sa susunod.” Kalakip nito ang halos 180 piso.
Hindi naman hinikayat ni Sue si Maggie na tumulong. Marahil ang Banal na Espiritu ang gumawa niyan. Tumulong si Maggie dahil sa pag-ibig niya kay Jesus at sa pagnanais na maipahayag ang kabutihan ni Jesus. Katulad ng munting handog ni Maggie na mula sa malaking puso ang itinuturo ng 2 Corinto 9. Unang mungkahi riyan ni Apostol Pablo na mamahagi ng “marami” (TAL. 6). “Marami” ang pagbibigay ng “lahat ng mayroon ako.” Dagdag ng apostol na magbigay “ayon sa sariling kapasyahan, nang walang pag-aatubili, at hindi sapilitan” (TAL. 7). Ipinaalala rin niya ang kahalagahan ng pagbibigay sa mga mahihirap (TAL. 9) gamit ang mga salita ng Salmo 112:9.
Kapag may pagkakataon para makapagbigay tayo, tanungin natin ang Dios kung anong tugon ang nais Niya mula sa atin. Kung, ayon sa gabay Niya, naging mapagbigay tayo at may galak nating ibinahagi sa nangangailangan ang mga panustos Niya, “marami ang magpapasalamat sa Dios” (2 CORINTO 9:11) dahil sa pagbibigay natin.
