Noong sumalpok ang lumubog na barkong Titanic sa isang malaking bato ng yelo noong Abril 1912, sinigurado ni Pastor John Harper na makakasakay ang anak na anim na taong gulang sa isa sa kakaunting bangka doon para mailigtas ang bata. Pagkatapos, ipinasa niya ang salbabida sa pasaherong wala nito at ipinahayag si Jesus sa mga gustong makinig. Palutang-lutang sila sa dagat na maraming yelo habang naghihintay ng sasagip sa kanila, na tila ‘di naman darating. Nilangoy niya isa isa ang mga kasama at hinikayat sila, “Sumampalataya ka sa Panginoong Jesus at maliligtas ka at ang iyong pamilya” (GAWA 16:31).

Noong nagkaroon ng pagtitipon sa bansang Canada ang mga nakaligtas sa trahedya, sinabi ng isang lalaki na siya ang “huling natulungan ni Pastor Harper na magtiwala kay Jesus.” Tinanggihan daw niya noong una, pero tinanggap din niyang tagapagligtas si Jesus nang hinikayat ulit siya ng pastor. Nasaksihan niyang ipinahayag ni Pastor Harper si Jesus hanggang sa huling sandali ng buhay niya, bago siya mamatay dahil sa matinding lamig at tuluyang lamunin ng dagat.

Agarang pagkilos din at pagsisikap sa pagpapahayag ng magandang balita tungkol kay Jesu-Cristo ang hinikayat ni Apostol Pablo kay Timoteo na lingkod ni Jesus. Matapos ipaalala ng apostol ang walang humpay na pagkilos ng Dios at ang siguradong pagbabalik ni Jesus, inatasan niya si Timoteo na maging handa at matiyagang ituro ang Salita ng Dios (2 TIMOTEO 4:1-2). Lalo pa nga dahil darating ang panahon na marami ang hindi na gugustuhing makinig sa tamang aral (TAL. 3-5). Batid nating may hangganan ang buhay natin sa mundo, kaya tandaan nating mahalaga ang bawat sandali.