Dalawang agila ang bumuo ng pugad sa isang punong malapit sa bahay ko. Di nagtagal at nagkaroon na sila ng mga inakay. Magkasama nilang inalagaan ang mga ito. Kaya lang, nabangga ng trak ang isa sa mga agila at namatay. Nagpabalik-balik sa malapit na ilog ang isang agila na tila sinusubukang hanapin ang kasama niya. Matapos ang ilang araw, tinanggap na rin ng agila na mag-isa na niyang bubuhayin ang kanilang mga inakay.

Saan mang silip, mahirap magpalaki ng anak nang mag-isa. Totoong iba ang galak na naidudulot ng isang anak. Pero hindi rin maikakaila ang kaakibat nitong bigat sa aspetong pinansyal at emosyonal. Mabuti na lang at may pag-asang naghihintay sa mga magulang na mag-isang nagpapalaki ng anak. Maaari rin itong kuhanan ng lakas ng sinumang nasa matinding sitwasyon.

Kasama natin ang Dios sa mga panahong napapagod o pinanghihinaan tayo ng loob. Bukod sa makapangyarihan ang Dios, hindi rin Siya nagbabago. Kaya makatitiyak tayong hindi Siya mauubusan ng lakas. Maaari nating panghawakan ang Salita Niya na “ang mga nagtitiwala sa Panginoon ay muling magkakaroon ng lakas” (ISAIAS 40:31). Nakatutuwang isiping hindi pa natin katapusan kahit pa dumating tayo sa dulo ng lakas natin. Nariyan kasi ang Dios upang bigyan tayong muli ng lakas. Kung magtitiwala tayo sa Kanya, lalakad tayo ngunit hindi manghihina, at lilipad tayo “gaya ng isang agila” (TAL. 31).