Nang pumanaw ang asawa ni Fred, kumuha siya ng lakas mula sa mga kaibigan niya. Sama-sama silang kumakain ng agahan tuwing Lunes. Para kay Fred, kaya niyang labanan ang lungkot basta’t magpatuloy ang pagkikita-kita nila tuwing Lunes. Kapag nalulungkot si Fred, iniisip lang niyang darating din ang Lunes.
Kaya lang, nahinto ang pagkikita-kita nila. Ilan sa mga kaibigan niya kasi ang nagkasakit. Pumanaw naman ang iba. Nagtulak ito kay Fred upang hanapin ang Dios na nakilala niya noong kabataan niya. “Mag-isa na lang akong nag-aagahan ngayon,” wika ni Fred, “pero lagi kong pinanghahawakang kasama ko si Jesus. At sa tuwing aalis ako sa hapag-kainan, alam kong hindi ko haharapin ang araw na iyon nang mag-isa.”
Nadiskubre ni Fred ang seguridad at kaaliwan sa presensya ng Dios gaya ng salmista. “Kayo ang kumakalinga sa akin... ang aking Dios na pinagtitiwalaan” (SALMO 91:2). Hindi pala sa isang lugar makikita ang seguridad, kundi sa presensya ng Dios (TAL. 1). Natutunan nina Fred at ng salmista na hindi nila kailangang harapin ang mga pagsubok nang mag-isa. Gayundin naman, maaari tayong pumanatag dahil nariyan ang Dios. Iingatan at tutulungan Niya tayo. Kapag lumapit tayo sa Dios, makakaasa tayo sa Kanyang pagtugon at pagsama.
Saan tayo tumatakbo kapag mahirap ang buhay? Nariyan lang ang Dios. Naghihintay Siya sa atin. Lumapit tayo sa Kanya dahil Siya ang ating tunay na tanggulan.
