Nalulong sa alak ang ama ni Pablo. Masama rin ang pagtrato nito sa kanyang ina. Kaya naman, lumayas si Pablo sa kanilang bahay noong tinedyer pa lamang siya. Nakitira siya sa kanyang tiyuhin. Gayon pa man, nakapagtapos siya ng high school, nag-asawa, at nagkaroon ng tatlong anak. Pero, ang nakalulungkot ay naulit niya ang parehong buhay na dati niyang tinakasan. Nalulong din siya sa alak, at sinira ng kanyang masamang pag-uugali ang sarili niyang pamilya.

Napagtanto naman ni Pablo na kailangan niyang mabago kaya humingi siya ng tulong sa isang rehabilitation center. Isang araw, matapos siyang manalangin, ipinadama sa kanya ng Dios ang Kanyang presensya sa pamamagitan ng kagandahan ng kalikasan. Hindi nagtagal, napansin ng bunso niyang anak na nagbago na siya, at nagkaayos silang mag-ama. Ngayon, unti-unti niyang ibinabalik ang tiwala ng iba pa niyang mga anak.

Sa Lumang Tipan ng Biblia, ipinahayag naman ni Propeta Jeremias ang kanyang matinding dalamhati para sa bayang tumalikod sa Dios at dinalang bihag sa Babilonia. Sinabi niya, " Napakasakit isipin ang mga paghihirap at pagdurusa ko. At kung palagi ko itong iisipin, manghihina ako" (Panaghoy 3:19–20). Tulad ng mga Israelita, napalayo rin si Pablo sa Dios. Ngunit tulad ni Jeremias, natagpuan din niya ang pag-asa sa Dios: "Ang pag-ibig at awa ng Panginoon ay walang katapusan. Iyan ang dahilan kung bakit hindi tayo lubusang nalipol. Araw-araw ay ipinapakita niya ang kanyang habag. Dakila ang katapatan ng Panginoon! " (tal. 22–23).

Binigyan ng Dios ng panibagong simula si Pablo at ang mga Israelita. Gayon din naman, maaari tayong lumapit sa Dios at magtiwala sa Kanya na Siyang nagbibigay sa atin ng pag-asa.